Martes, Enero 14, 2014

Halimbawa ng Karagatan



KARAGATAN

 (May isang mesang nakalagay ang mga paninda-mga garapon ng pagkain at mga de-bote. May dalawang dalaga at apat na binata sa paligid ng mesa. Maraming tao sa paligid. Isang matanda ang lalapit sa ponda.)

Tandang Terong:      Humm… tila matagal nang nakasalang ang sinaing ay ‘di pa nagagatungan.

Isang Manonood:      Kailangang gatungan ang sinaing nang maluto’t tayo’y makakain.

Maring: Ang kahoy na panggatong kaya ‘di masindihan ay higit na marami ang nasa kalan kaysa kailangan.

Isa pang manonood: Tama si Maring. Ang isa’y malungkot kaya’t naghahanap; dalawaha’y angkop at siyang anong sarap; ngunit pag nagtatlo’y isa na ang kalabisan.Kung ‘di  matiyak ni Neneng  kung sino sa kanila ang kakausapin,  mga kanayon ano’ng  kailangan?

Lahat:             Tanging paraa’y ang karagatan.

Ingkong Terong:    Ayos ka na ba, Neneng?

Neneng:                Tumanggi man po ako’y walang mangyayari. Kagustuhan
                               rin ninyo ang masusunod.

Ingkong Terong:       At kayong apat?

Apat na Lalaki :    Opo.

Ingkong Terong:    Akin  na, Neneng ang iyong singsing. (Aabutin sa dalaga  ang singsing at ihuhulog sa tubig na nasa garapon). Kayong apat ay magpapalabunutan kung sino ang unang sisisid sa singsing na inihulog ni Neneng. (Palabunutan).  At ikaw Berting ang unang sisisid sa dagat ng pag-ibig  upang makuha ang singsing.

Mga Tao:               (Palakpakan)

Isang Tao:       Pagbutihin mo, binata at si Neneng ay marami nang   nailunod  na talisuyo sa karagatan.

Berting:                 Magandang gabi sa inyong lahat.  Mga nariritong kanayon ni Neneng  At sa iyo mutya’y muling nagpupugay.   Ipinangangakong nahulog mong singsing. Aking sisiri’t sa iyo’y ibibigay , tanda ng pag-ibig na walang hangganan. Dahilan sa ako’y siyang nakabunot  ng palitong itong nagpapahintulot,  ako ay sumisid sa dagat ng nais. At ang iyong singsing ay aking makamit  ay katunayan nang Diyos ang pumili
Na ako ngang ito’y siya mong itangi.  Sumisid sa singsing na aking hinulog, subalit ‘di upang siyang maging irog kundi idaan lang muna sa pagsubok. Kaya’t sisirin mo ang tanong kong ito  Ang singsing kong ito ay nang maangkin mo,      Ang singsing na itong linso’t walang bato Turan mo’ng simula at ang dulo nito.

Berting:          Tila ang bugtong mo’y sinlalim ng dagat, Na ‘di matatarok ng isip kong pahat.
            Kaya’t iyong singsing nais mang makuha, Isa pang pagsubok ay hiling ko sinta.

Kulas:           Ang pagkakatao’y isalin sa iba nang ‘di masabing ikaw ay buwaya    Akong nabunot ng pang-ikalawa. Inaangkin hirang kanyang karapatan sumisid sa dagat ng singsing mong bugtong  na siyang panumbas sa iyong pag-irog.

Neneng:         Kung gayon, o, Kulas, iyo nang sisirin  ang lalim ng puno’t dulo niyang singsing.

Kulas:        Singsing, aking Neneng, walang puno’t dulo. Mayroon ngang simula at may wakas ito
            Ang simula’y bilog nito na panloob  at ang katapusa’y panlabas na bilog.     Ganyan kung gawin,      
       singsing ng pag-ibig. Haya’t nasisid  ko singsing mong nahulog.

Neneng:         Iyan ang tanong diyan kay Lamberto kaya’t heto naman ang para sa iyo;   Nang ika’y parito, pamula sa kanto. Ilang bahay, Kulas, ang naraanan mo? May ilaw ay ilan, iyo sanang turan. Tingnan ko ang tibay pang-alaala mo?

Kulas:             Salamat Neneng ko’t iyang katanungan Kay daling sagutin kaya’t aking masasabing
            Ako’y tanging mahal; Heto ang tugon ko:      Bahay, pito lamang at sa mga ito’y
            Aking natandaan, apat ang may ilaw- Ito’y patotoong isip ko’y malinaw.

Neneng:         Kulas, ika’y mali sa iyong katugunan Kaya’t isasalin itong aking tanong
            Sa sinong ikatlong sa tubig lulusong   At siyang sisisid, sa singsing kong bugtong.

Nardo:            Ako ang ikatlong dapat subukin mo   Kaya’t iyong dinggin ang tugon ko’y: Pamula sa kanto at hanggang sa rito Walang bahay ni ilaw akong natandaan     Kundi itong ponda ni Neneng kong mahal.

Mga Tao:        (Palakpakan at kantiyawan)

Neneng:          Kung gayon ito naman ay tugunin      Pang-una sa ikatlong iyong sasagutin
            Bakit ba ang tubig sa bilog na mundo             Hindi tumatapon walang ligwak ito?

Nardo:            Sa abot ng isip narito ang tugon:        Tubig, bato’t tao, at lahat sa mundo
            Ay ‘di tumatapon dahil sa ang globo   Ay isang malaki’t mabisang magneto;
            Hinihigop nito ang lahat ng narito        At sa kalawaka’y ‘di tayo tutungo.

Mga Tao:        Magaling! Mabuhay si Nardo!

Neneng:         Pangalawang tanong,heto na’t pakinggan      Paanong buwang sa langit ay tanglaw
            Aking mahihipo’t mapaglalaruan?      Ito’y pangarap nang ako’y musmos pa lamang
            Kung talagang ako ay sadyang mahal mo     Paiirugan mo ang hiling kong ito.

Nardo:            Salamat, O, Ina, sa pag-aaruga mo, Noong ako’y munti’t pinalalaki mo.     Isang paborito’t ibig kong kuwento  Ay siyang panugon sa tanong na ito. Sa pamamagitan ng isang salamin Minumutyang buwan ay pabababain.    Kahit sa kandungan ng mutya ko’t giliw. Mapaglalaruang buwang hinihiling.

Mga Tao:        Magaling! Iyan ang binata namin!...    Pakinggan natin ang tanong na ikatlo.

Nardo:            Ako’y nakahanda sa pangatlong tanong  Singsing na nahulog aking sisisirin
            Sukdang ikapugto ng hiningang tangan  Kung puso ng mutya’y aking maaangkin.

Neneng:          Ako’y nangangamba, ako’y natatakot Na ang huling tanong kaniyang masagot
            Itong karagatan isang laro lamang  Ngunit paglalarong birong totohanan
            Ayoko na yatang ito ay ituloy             Baka sa sagutan ako’y maparool.

Ingkong Terong: Ituloy mo, apo, bahala na ako.

Neneng:         Kung gayon, Leonardo, tugunin mo ito. Kung tayo’y makasal, ay nanaisin ko
            Na magpulot-gata sa bayang Mindoro Na ating sasakya’y binalsang kawayan
            Na bigkis ng lubid na pawang hinabi Sa buhanging pino’t ikaw ang pipili.

Nardo:            Neneng, aking mahal, sadyang mahal kita    Kaya’t imposible’y pag-aariin pa
            Lubid na buhangin, aking pipiliin Kung pababaunan ng aking pagkain
            Bawat isang linggong kakailanganin   Sa ‘sang dahong ipil iyong babalutin.

Neneng:          ‘Di ba’t ang hiling sa akin nanggaling Bakit ngayo’y ako ang pasusulitin?

Nardo:            ‘Pagkat paniwalang ‘di ka sinungaling

Neneng:          Ano ang batayan ng iyong pasaring?

Nardo:            Salamat kung gayon, mutya ko at giliw Ikaw ay may wikang tapat at matining Nang iyong sabihin tayo’y kakasalin Inakalang tapat ikaw sa paggiliw     Kaya’t sa problemang aking   Kahati ka sa tuwa’t  sa ligaya gayo’y din. Ang buhanging lubid ay kaya kong gawin .Kung sa hirap nito’y kasalo ang giliw.

Neneng:          Ayoko’t ‘di tama! ‘Di pala kasal, Ni walang sintahan ay mag-aasawa na.

Nardo:            ‘Di nga mag-asawa ngunit may pagsinta!

Neneng:          Ay sayang! Sayang na pag-ibig. Sayang ang singsing kong nahulog sa tubig
            Kung ikaw rin lang siyang sisisid. Mahanga’y hintin kong kumati ang tubig.

Tandang Terong:      Sa unang pagkakataon ay nagkaganito ang apo ko. Ako ang hahatol. Tama si Nardo.
                        Ang karagata’y simula lang ng kuwento . Mula ngayon, Nardo, sa bahay pumanhik
                        At doon mo ihibik ang iyong pag-ibig.

Pepito:            (Iiling-iling at magkikibit ng balikat.)

Mga Tao:        Mabuhay si Ingkong Terong! Mabuhay! Mabuhay ang karagatan, aliwang Pilipino!
            (Palakpakan)

                      
W  A  K  A S

                                                          Halaw sa Panitikang Pilipino                                                                           
                                                          nina Pineda, G.D at Ongoco, T.C        

Halimbawa ng Duplo



ANG DUPLO:  Ang Ibon ng Hari
                                           
Hari:           Simulan na ang laro. Bumilang kayo.

Mga Bilyaka: Una, Ikalawa, Ikatlo.

Mga Bilyako: Una, Ikalawa, Ikatlo.

Hari:           Tribulasyon!

Lahat:         Tribulasyon!

Hari:           Estamos en la Buena composicion.(Titindig)
          Ang komposisyon ng tanan
          ay paglalarong mahusay!
          Ang magulo ay mahalay
          Sa mata ng kapitbahay.
          Mga binibini at mga ginoo,
          Matatanda’t batang ngayo’y naririto,
          Malugod na bati ang tanging handog ko
          sa pagsisimula nitong larong duplo.
          Ang hardin ko’y kubkob ng rehas na bakal,
          Asero ang pinto’t patalim ang urang;
          Ngunit at nawala ang ibon kong hirang,
          Ang mga bilyaka ang nuha’t nagnakaw!

Mga Bilyaka: Hindi kami ang nagnakaw.

Hari:           Sino ang nagnakaw?

Bilyako 1:    Kagabi po, hari, maliwanag ang b’wan;
          May isang aninong aking natanaw;
          Hindi sinasadya, nang aking lapitan
          Isang babae po, iyang natagpuan.

          At kitang-kita kong ikinubli niya.
          Siya’y naririto at nasa tribuna,
          Nagnakaw ng ibon ay isang bilyaka!



Hari:                     Diyata’t bilyaka?
                   Sino sa kanila?

Bilyako 1:              Sa unang hanay po.

Bilyaka 2:             H’wag paniwalaan.
                   Siya’y bulaan!
                   (Magkakaingay)

Hari:                     (Sa lahat) Katahimikan!
                   (Sa Bilyako 1) Mapatototohanan?

Bilyako 1:              Ako’y nalalaan!

Bilyaka 2:             Kung kagabi lamang ang sinabi niya,
                   Hindi maaari’t kami’y magkasama;
                   Kami’y namamasyal ng irog kong sinta,
                   Pa’nong mananakaw ang ibon sa hawla?

Hari:                     Kung hindi nga siya, sabihin kung sino
                   At pakaasahang parurusahan ko.

Bilyaka 2:             Ang nuha ng ibo’y sa ikalawang hanay,
                   Doon nakaupo nang buong hinusay,
                   Walang iba kundi kanyang kasintahan (Ituturo.)
                   Kung hindi ay bakit ipinagsasanggalang?

Hari:                     Pinararatanga’y hindi umiimik,
                   Tila nga may sala’t dila’y nauumid. (Mag-iisip)
                   Sapagkat may sala
                   Heto, palmatorya! (Akmang papaluin)

Bilyako 2:              Kaiingat kayo, O mahal na hari,
                   Mag-isip-isip ka’t baka magkamali.
                   (Titigil ng pagsasalita bago magpapatuloy)
                   Nalalaman ko po kung sinong nagnakaw.
                   Aking ibubulong kung pahihintulutan.

Hari:                     Nagpapahintulot!

Bilyako 2:             (Lalapit at bubulong)

Hari:                     Ipakakaon ko, talaga bang tunay?
                   (Siyang pagdating ng abay ng reyna)

Abay ng Reyna:     Mahal na hari po, ibo’y aking dala,
                   Isasauli ko sa kinunang hawla;
                   Kagabi po ito’y kinuha ng reyna
                   Siya ay nag-aliw sa pangungulila!

Hari:                     Kung gayon ay walang dapat parusahan!
                   Ibalik ang ibon sa hawlang kinunan.
                   Kung uulitin pa’y ipagbibigay-alam
                   Nang huwag ang iba ang mapagbintangan.

Aba ng Reyna:      ’Pinagbigay-alam sa inyong gward’ya,
                   Baka nalimutan at nalingat siya.

Hari:                     Maraming salamat, bilyaka’t bilyako,
                   Ngayo’y tinatapos itong larong duplo.
                   Paalam sa lahat, salamat sa inyo,
                   Muling magkikita pag naglaro tayo.               
         


                                      W A K A S                                       
                                                                             
 Halaw sa Talindaw nina Abueg, E.R. et al.